Saturday, April 19, 2014

Pangarap mo bang maging doktor?

Kung isa ka sa mga taong tinuruan ng mga magulang noong bata pa lamang na sumagot ng "Doktor po" sa tuwing ika'y tatanungin kung ano ang gusto mo maging paglaki, o kung ikaw ang kauna-unahang doktor sa buong angkan mo sakaling matuloy ka nga sa Medisina, o kung napupusuan mong maging doktor anupaman ang dahilan, para sa iyo ang post na ito.

Hindi ko layunin na paigtingin o di kaya ay sirain ang iyong paghahangad na maging isang doktor sa hinaharap. Ang layunin ko ay ilahad ang aking mga pinagdaanan nang sa gayon ay maging mas malinaw sayo ang iyong magiging desisyon sakaling magpatuloy ka nga o hindi sa pagtahak ng mundo ng Medisina. Hindi ko alam kung anong sitwasyon ang pinanggagalingan mo ngunit ito ang nasisiguro ko: isang napakalaking desisyon ang pagtahak ng Medisina dahil halos sampung taon ang gugugulin mo sa unang bahagi pa lamang nito. Handa ka na ba? Simulan na natin.

Una sa lahat, bago ka makapasok ng Med school ay kailangan mong magtapos ng pre-Med course. Sikat na pre-Med ang Nursing, Biology, Biochemistry, Pharmacy, Physical/Occupational Therapy, at iba pang kursong may kinalaman sa katawan ng tao. Magagamit mo ang mga ito pagdating sa Med. Pwede rin naman na Engineering ang pre-Med, medyo mag-aadjust ka nga lang nang bongga.

Dapat above average ang grades mo (Laude level), dahil maglalaban-laban kayo sa grades at sa exam na kung tawagin ay NMAT, para sa limitadong slots ng mga tanyag na medical schools sa bansa. Hunger Games? Pwede. Kapag nakapasok ka na sa Med School, magpaalam ka na sa mga kaibigan mo. De, biro lang. May oras pa din naman mamasyal kung hindi ka nerd at grade conscious. Nasa sa'yo na yun. Time management, ika nga.

Apat na taon ang Medisina. Sa UP, required ang ika-limang taon na gugulin sa PGH o Pagamutang Bayan. Sa ibang med school, malaya kang pumili kung saang ospital mo naisin mag 5th year o internship kung tawagin. Sa ibang ospital, magaan ang trabaho, at merong  sweldo. Asahan mo ang walang katapusang exams at tone-toneladang libro. Pero wag kang mag-alala, may tinatawag na Samplex (short for Sample Exam) at may mga matatawagan kang Santo kung sakaling di ka nakapag-aral. Kahit papaano, makakaraos kung ang hangad mo lang ay pumasa. Asahan mo din ang mga Small Group Discussion kung saan bawat grupo ay makikipagtalakayan sa isang Consultant (matanda, este bihasang doktor na medyo may edad na), swertehan kung mabait o terror ang consultant na mapunta sa grupo niyo.

Sa ika-apat na taon ay halos hindi kana papasok sa lecture halls, magiging isa ka nang ganap na myembro ng ospital. Oo, dito na papasok ang salitang "Duty" sa buhay mo. May mga ilang pagbabago na nitong nakaraang taon sa PGH. Hindi na lahat ng department 24-hour duty pa din. Yung iba, 12 hours nalang. Bilang clerk na bagong salta, medyo mahirap mag-adjust. Matuturingan ka nang "student-in-charge" sa mga pasyente. Kailangan mong unti-unting matutunan ang tamang pakikisalamuha sa pasyente, sa iyong seniors, sa mga ka-trabaho mo. Sa PGH, labis ang kakulangan sa manpower, kaya halos laging gamit na gamit ang mga estudyante. Dahil kulang din ang kagamitan, minsan kayo ang gagastos ng mga syringe, tape, blood vials, etc. o ng kahit ano, para lang mapabilis ang pag-asikaso mo sa mga kailangan ng pasyente. Ikaw ang magtutulak ng kama ng pasyente papunta kung saan, lalo na kung naghihingalo na siya at tulog pa ang manong na tagatulak. Ikaw ang gagawa ng lahat ng utos ng mga nakakatanda sayo. Pag sinabing kumuha ka ng plema ng pasyente para sa specimen, kumuha ka. Minsan 36 hours na ay nasa ospital kapa din, walang ligo, at nanlilimahid ang dumi. Aasahan nila na sa conference ay makakasagot ka sa mga teoretikal nilang mga tanong, kahit galing ka pa sa 24-hour duty at mukha nang zombie.

May mga nurse na mabait, meron ding masungit. Mainit sa PGH. Mabaho. Madalas malilipasan ka ng gutom at antok. Ikaw ang taga-BP oras-oras, monitor at tagakuha ng dugo, plema, ihi or tae ng mga pasyente, tagapagdala nito sa laboratoryo, tagafollow-up ng resulta, tagatulak sa kanila sa X-ray o CT Scan, at pipilahan mo lahat ng ito. Hindi ka rin ligtas sa sermon ng mga senior sa mga kapalpakan mo. Kaya dapat, magtanong ka nang magtanong kung di alam ang gagawin, di bale nang makulitan sila.

May mga pasyenteng walang pera, o di kaya ay walang kasama, walang kamag-anak. Kapag ganon, ikaw ang tatayong bantay nila at mag-aasikaso ng mga kailangan nila. Minsan, pati pag-ihi o pagtae nila, ikaw pa rin ang mamromroblema. Sa clinic naman, minsan aabutin ka ng maghapon kaka-interview ng mga pasyente. Wala kang choice dahil tirik pa ang buwan ay nakapila na sila, at malayo pa ang pinaggalian ng mga pasyenteng ito, malala ang sakit, at umaasang matitingnan mo sila.

Iraos mo ang dalawang taon na ito, pagkatapos ay gragraduate ka na ng Medisina.

Magrereview ka para sa Board Exam, at pag nakapasa ka na ay panibagong yugto nanaman ng buhay mo ang magsisimula. Isa ka nang General Doctor/Practitioner na maituturing, congrats. Pero yun palang ang simula, makikipag Hunger Games ka ulit sa napupusuan mong Ospital at Specialty na tatahakin. First Year resident ka na, at lahat ng nakakataas sayo ay susundin mo. Ngayon, ikaw na ang pangunahing doktor ng pasyente, pangalan mo ang nakataya. Pag may namatay ang pasyente mo, maghanda ka na, gigisahin ka sa Morbidity/Mortality Conference. Sa ganitong paraan natututo ang mga doktor, sa mga pagkakamaling hindi dapat maulit dahil buhay ang nakataya. Pagkatapos ng residency na tatlo hanggang limang taon, papasok ka sa fellowship mga isa hanggang dalawang taon, pagkatapos, consultant ka na. Medyo may edad ka na nun--pwedeng pamilyado, pwedeng hindi.

Kung sakali naman na hindi ka magresidency, pwede ka nang magtayo ng sariling clinic as General Doctor, pwede ka rin namang mag-Research, o kaya ay magturo, o di kaya maging Health Officer, maging lider, o di kaya ay maging bussiness entrepreneur, dipende sa trip mo. Bandang huli, nasa iyo ang pasya. Kung gusto mong yumaman agad paggraduate ng college, hindi siguro Medisina ang nararapat sayo, dahil at least 9 years kang mag-aaral nun, maliban nalang kung INTARMED ka na 7 years lang. Kung ikaw ang magiging unang doktor sa pamilya niyo at walang ideya ang mga magulang mo kung ano ang papasukin mo, mabuti pa'y pag-usapan niyo ito ng mabuti at alamin mo kung paano tumatakbo ang ospital na papasukin mo. Pero kung malakas talaga ang pananalig mo na sugo ka ng Diyos para tumulong sa kapwa anupaman ang paghihirap na kapalit nito, go. I-push mo yan. Ang importante ay nagtutugma ang isip at puso mo sa kung ano talaga ang gusto mo. Delikado mag Medisina kung taliwas ang isip at puso mo, baka mapahamak ka lang, at masayang lang ang oras mo. Anuman ang iyong maging pasya, sana ay nakatulong ang post na ito para malinawan ka sa iyong mga plano sa buhay. Hanggang dito nalang, Dok. :)